Saturday, September 12, 2015

Ang Nag-iisang Pantalon (Short Story)

Ang Nag-iisang Pantalon
-
From: joeydesoda.blogspot.com
-
Isa sa mga talumpating hinding-hindi ko malilimutan ay yung sa isang negosyanteng miyembro ng Rotary Club. Ibinahagi niya ang kwento ng kaniyang buhay kung paano niya nalagpasan ang kahirapan at kung paano siya nanatiling matatag sa gitna ng matitinding mga pagsubok nung nag-aaral pa siya sa kolehiyo nung 1990's.
-
Photo: dreamstime.com
Sa mga kapwa ko kabataan ng Rotaract Club, 5 taon na ang nakalilipas, ito ang kaniyang ikinuwento sa amin:
-
"Hindi ko kailanman ikahihiyang sabihin na ang tatay ko ay isang magsasaka ng isang maliit na lupa at; ang nanay ko ay labandera't nagbebenta ng mga gulay at kakanin. Dahil sa kanilang katayuan, walang nag-akalang magtatapos ako ng kolehiyo. Sabi nila, magiging katulad rin ako sa 2 kong kapatid na hanggang High School lang; mag-aasawa; magkakaroon ng mga anak at; magiging magsasaka rin.
-
"Sa tuwing nababanggit ko kahit kanino ang aking mga pangarap at ambisyon ay pinagtatawanan lang nila ako. Mahina raw ako sa Academics. Mas madalas pa nila ako makitang nagbebenta ng ice candy at mani kesa mag-aral. Nakakapanghina ng loob pakinggan ngunit nagpatuloy pa rin akong magtiwala sa sarili.
-
-
"Dala ang maliit na Baranggay Scholarship at 500 pesos, pumunta ako ng Tacloban para magpa-enrol sa kursong Business Administration. Sa puntong iyon, alam kong magiging mas mahirap sa akin ang buhay sa siyudad lalo pa't kukulangin ang dala kong pera. Libre man ang aking Tuition Fee pero kailangan ko pa ring magtipid para sa pagkain, matitirahan, pamasahe, projects, mga libro at pagpapa-Xerox. Kung kaya't kahit Working Student na ako'y kulang pa rin ang makabili ng bagong damit o pantalon.
-
"Hanggang ngayon, naiiyak pa rin ako sa tuwing naaalala kong nakapagtapos ako ng kolehiyo na iisa lang ang sinusuot na pantalon.
-
-
"Marahil nang panahong iyon, sinadya ng panginoon na isa lang dapat ang pantalon na meron ako. Araw-araw akong nagdadasal na sana pagpunta ko sa University ay hindi umulan dahil hindi madaling labhan at patuyuin ang pantalon ko para bukas. Nahalata iyon ng mga kaklase at lalo na ng crush ko kaya't di nagtagal ay naging kahiya-hiyang biro na ang nag-iisang pantalon ko buong semester. Subalit di tulad ng ibang taong nagagalit at nagrereklamo agad sa Diyos ay pikit mata ko nalang ang aking mga luha at nakisabay sa kanilang tawanan.
-
( From: joeydesoda.blogspot.com )
-
"Isang araw, marahil ay naawa na sa akin yung isa sa mga kaklase ko kung kaya't ang regalo niya sa'kin sa Christmas Party ay isang Original Levi's na maong. Sa sobrang tuwa ko, akala ng lahat ay kotse ang natanggap ko. Ang nakalulungkot lang, isang linggo matapos ko yung labhan ay may kumuha nun sa sampayan. Kaya't balik-suot akong muli sa dati kong kupas at kaisa-isang pantalon.
-
-
"Kahit sinong tao ay pinagdaanan nang mainggit sa kanyang kapwa subalit sa kabila ng pagka-inggit ko sa iba, ay hindi ko naisipang manloko o magnakaw para lang magkaroon ng mga bagay na materyal. Alam ko ang mga priorities ko sa kolehiyo ngunit sinisikap ko pa ring ipunin ang bawat piso at barya para lang makabili ng bagong pantalon sa ukay-ukay. Madalas ang sakit isipin na kailangan kong gastahin ang kakarampot na barya upang umuwi sa Samar sa tuwing kelangan ako ni Nanay.
-
-
Photo: mirror.co.uk
"Dahil hindi ako nakaron ng pagkakataong magkaroon ng bagong pantalon ay kinalimutan ko nalang yun lalo na nung araw na pumanaw si Tatay. Parang gumuho ang buong buhay ko na namatay lamang siya sa simpleng sugat. Ayaw niyang gumastos ng pera sa mga gamot at pagpapa ospital. Ang mas mahapdi pa sa dibdib ay nung malaman kong mas pinili pa niyang gamutin ang sugat niya sa Herbal upang makatipid at makapagpadala pa ng pera sa'kin.
-
-
"Sabihin niyo sa'kin ngayon, ano pa ang halaga na mangarap ng isa pang pantalon, kung mismong Tatay mo ay namatay na nagsasakripisyong makaipon, para ka lang makapatapos ng pag-aaral?
-
-
"Karamihan sa atin ay sisisihin agad ang Diyos ngunit naisip kong kagustuhan iyon ni Tatay. Gusto niyang mas lalo pa akong magpursige sa kabila ng pagiging mahirap namin.
-
 ( From: joeydesoda.blogspot.com )
-
"Sobra-sobrang lungkot at sama ng loob ang dala-dala ko pagbalik ko sa University matapos ang libing ni Tatay. Sobrang sikip sa dibdib na sa isang class recitation ay hindi ko na talaga napigilang tumulo ang mga luha ko sa harap ng mga kaklase nang ikwento ko ang lihim ng malungkot kong buhay.
-
-
"Humagulgol ako sa harap nila at nagkulang ang aking mga salita para ipaliwanag kung gaano ko hinahanap-hanap at na miss ang aking Tatay. Ang kaisa-isang taong nakaintindi sa mga pangarap ko at sumuporta sa'kin, kung kelan halos pagtawanan at ikahiya na ako na ako ng buong mundo.
-
-
"Ganun pala kahapdi ang kinimkim na luha sa mata. Ganun pala kabigat ilabas lahat ng sama ng loob sa dibdib. Nakita ng aking guro at mga kaklase ang isang bahagi ng taong kilala nila bilang masayahin araw-araw, palatawa at madaling kutyain. Naintindihan na nila kung gaano pala ako sobrang nasaktan.
-
-
"Matapos nun, patuloy ang buhay at mas lalo akong nagsumikap sa pag-aaral. Isang taon ang lumipas, at isa ako sa mga grumadweyt na cum laude sa aming batch.
-
-
"Isa iyon sa mga hindi ko malilimutang ala-ala ng buhay ko. Ang Nanay kong nag-akalang hanggang hayskul lang ako, ay siya pa mismong nagsabit ng medalya ko. Hindi niya napigilang umiyak sa stage habang yakap ako. Ang Dean of College na alam ang kwento ng buhay ko ay naluha rin, lumapit at niyakap kaming dalawa.
-
 ( From: joeydesoda.blogspot.com )
-
"Sa sandaling iyon ay nagsi-tayuan lahat ng mga kaklase ko, sumunod ang ibang mga mag-aaral sa buong stadium at napuno iyon ng mula sa pusong palakpakan na kailanma'y hinding-hindi ko malilimutan.
-
-

"Maraming tumulong sakin makapasok sa mga trabahong mataas ang sweldo. Sinubukan ko ring matrabaho abroad sa Dubai, London at Canada upang makaipon ng malaki para sa pamilya ko. At ngayon, marami ang nakakaalam na ako ang may-ari ng sarili kong mga tindahan. Karamihan sa kanila'y nagbebenta ng mga branded na pantalon sa mga malalaking mall kung kaya't hindi na ulit nag-iisa ang pantalong sinusuot ko araw-araw.

-
-
"Para sa mga mag-aaral na may mga ambisyon ngunit gusto nang sumuko, magpakatatag kayo. Ang pagsasakripisyo niyo ngayon habang nag-aaral ay panandalian lamang. Lahat ng yan tatawanan mo lang sa sandaling may magandang trabaho ka na. Hindi sapat ang pag may tiyaga, may nilaga. Pag may tiyaga at pagpupursige, walang ambisyon na di mo makakamit."
-
-
( Isang maikling kwento ni Joey Bidan/JoeyDeSoda From: joeydesoda.blogspot.com )

No comments:

Post a Comment